ANG MATANDA AT ANG DAGAT


Ang Matanda at Ang Dagat
Isinalin sa Filipino mula sa Ingles ni Jesus Manuel Santiago
“The Old Man and the Sea” ni Ernest Hemingway
(bahagi lamang)

Maayos silang naglayag at ibinaba ni Santiago ang kaniyang mga kamay sa tubig-alat at sinikap na linawin ang kaniyang isip. Mataas ang  cumulus clouds at may sapat na cirrus sa ibabaw kaya alam ng matanda (Santiago) na tatagal ang simoy sa buong magdamag. Palaging tinitingnan ng matanda ang isda para makatiyak na totoo ito. Isang oras ito bago siya unang dinunggol ng pating.

                Hindi aksidente ang pating. Pumaimbabaw siya mula sa kalaliman ng tubig habang tumitining at kumakalat ang maitim na ulap ng dugo sa dagat na isang milya ang lalim. Napakabilis niyang pumaimbabaw at walang kaingat-ingat na binasag ang rabaw ng asul na tubig at nasinagan siya ng araw. Pagkaraa’y bumalik siya sa tubig at sinundan ang amoy at nagsimulang lumangoy patungo sa direksiyon ng bangka at ng isda.

                Kung minsan, naiwawaglit niya ang amoy. Pero malalanghap niya itong muli, o kahit bahagyang-bahagya lang ng amoy nito, at mabilis at masigla siyang lalangoy para sundan ito. Isa siyang napakalaking pating na Mako, ang katawan ay sadyang para lumangoy na kasimbilis ng pinakamabilis na isda sa dagat at napakaganda ng kaniyang kabuuan maliban sa kaniyang panga. Kasing asul ng isdang-espada ang kaniyang likod, at pilak ang tiyan, at madulas at makisig ang kaniyang balat. Kahawig siya ng espada maliban sa kaniyang dambuhalang panga na nakatikom ngayon habang matulin siyang lumalangoy, halos nasa rabaw, parang kutsilyong humihiwa sa tubig ang mataas niyang palikpik sa likod. Sa loob ng sarado niyang panga, nakahilig paloob ang kaniyang walong hanay na ngipin. Hindi siya katulad ng karaniwang hugis-piramidong ngipin ng karamihang pating. Kahugis sila ng mga daliri ng tao kapag nakabaluktot na parang sipit. Kasinghaba sila halos ng mga daliri ng matanda at sintalas ng labaha ang talim sa magkabilang gilid. Ito ang isdang nilikha para manginain sa lahat ng isda ng dagat, napakabilis at napakalakas at    armadong-armado kaya wala silang sinumang kaaway. Binilisan pa niya ngayon nang malanghap ang mas sariwang amoy at humiwa sa tubig ang kaniyang asul na palikpik sa likod.

Nang makita ng matanda na paparating ito, alam niyang isa itong pating na walang takot at gagawin ang lahat ng gusto nitong gawin. Inihanda niya ang salapang at hinigpitan ang lubid habang pinagmamasdan niya ang paglapit ng pating. Maigsi ang lubid dahil binawasan niya ito ng ipinangtali sa isda.

                Malinaw at matino ang isip ng matanda ngayon at buong-buo ang pasiya pero halos walang pag-asa. Sa loob-loob niya, makatagal sana ang katinuang ito. Pinagmasdan niyang maigi ang malaking isda habang pinanonood ang paglapit nito.Mas mabuti pang naging isang panaginip lang ito, sa loob-loob niya. Hindi ko siya mapipigil sa pag-atake sa akin pero baka makuha ko siya. Dentuso, sa loob-loob niya. Malasin sana ang nanay mo.

                Mabilis na nakalapit sa popa ang pating at nang sagpangin nito ang isda, nakita ng matanda ang pagbuka ng bunganga at ang kakatwa nitong mata at ang lumalagatok na pagtadtad ng mga ngipin habang nginangatngat ang karne sa may ibabaw ng buntot. Nakaangat sa tubig ang ulo ng pating at lumilitaw ang likod at naririnig ng matanda ang ingay ng balat at lamang nalalaslas sa malaking isda nang isalaksak niya ang salapang sa ulo ng pating sa dakong nagtatagpo ang guhit ng mga mata at ang guhit ng ilong. Walang gayong mga guhit. Ang naroon lamang ay ang mabigat at matulis na ulong asul at ang malalaking mata at ang lumalagutok, umuulos, nanlalamong mga panga. Pero ang kinalalagyan ng utak ang napuruhan ng matanda. Inulos niya ito ng mahusay na salapang na ubos-kayang ipinukol ng kaniyang kamay na nanlalagkit sa dugo. Inulos niya ito nang walang pag-asa pero may katatagan ng pasiya at lubos na hangaring maminsala.

                Kumampay ang pating at nakita ng matanda na walang buhay ang mga mata nito  at muli itong kumampay, at napuluputan siya ng dalawang ikid ng lubid. Alam ng matandang patay na pero hindi ito matanggap ng pating. Pagkatapos, nakatihaya, humahagupit ang buntot at lumalagutok ang mga panga, sinuyod ng pating ang tubig tulad sa paghaginit ng isang speed-boat. Puti ang tubig sa hambalos ng kaniyang buntot at tatlong sangkapat ng katawan ang nakaangat sa tubig nang mabanat ang lubid, kuminig at saka nalagot. Saglit na humigang tahimik sa ibabaw ng tubig ang pating at pinanood siya ng matanda. Pagkaraa’y dahan-dahan itong lumubog.

                “Mga kuwarenta libras ang dala niya,” malakas na sabi ng matanda. Tinangay nito ang salapang ko at ang buong lubid, sa loob-loob niya, at nagdurugo ngayon ang isda ko at marami pang susunod.

                Ayaw na niyang tingnan ang isda dahil nagkagutay-gutay na ito. Nang sagpangin ang isda, para siya rin ang nasagpang.

                Pero napatay ko ang pating na sumagpang sa isda ko, naisip niya. At siya ang pinakamalaking dentuso na nakita ko. At alam ng Diyos na nakakita na ako ng malalaki.

                Hindi kapani-paniwalang makatatagal siya, naisip niya. Sana’y isa lang itong panaginip ngayon at hindi ko sana nabingwit ang isda at nag-iisa akong nakahiga sa mga diyaryo.

                “Pero hindi nilikha ang tao para magapi,” sabi niya. “Maaaring wasakin ang isang tao pero hindi siya magagapi.” Nagsisisi ako na napatay ko ang isda, sa loob-loob niya. Parating na ngayon ang masamang panahon at wala man lang akong salapang. Malupit ang dentuso, at may kakayahan at malakas at matalino. Pero mas matalino ako kaysa kaniya. Siguro’y hindi, sa loob-loob niya. Siguro’y mas armado lang ako.

“Huwag kang mag-isip, tanda,” malakas niyang sabi. “Magpatuloy ka sa paglalayag at harapin ang anumang dumating.”

                Pero dapat akong mag-isip, naisip niya. Dahil iyon na lang ang natitira sa akin. Iyon at ang beisbol. Ewan ko kung magugustuhan ng dakilang DiMaggio ang pagkakaulos ko sa kaniya sa utak. Walang bagay ‘yon, sa loob-loob niya. Kayang gawin iyon ng kahit sino. Pero sa palagay mo ba’y malaking partida ang mga kamay ko kaysa mga taring buto? Hindi ko malalaman. Hindi ako nagkaroon kahit kailan ng sugat sa aking sakong maliban noong minsan na nakagat ito ng page nang matapakan ko siya nang lumalangoy at naparalisa ang ibabang binti at kumirot nang napakatindi.

                “Mag-isip ka ng isang bagay na masaya, tanda,” sabi niya. “Bawat sandali’y papalapit ka na sa bahay. Mas magaan ngayon ang paglalayag mo dahil sa pagkawala ng kuwarenta libras.”

                Alam na alam niya kung ano ang maaaring mangyari pagsapit niya sa panloob na bahagi ng agos. Pero wala nang magagawa ngayon.

                “Oo, meron pa,” malakas niyang sabi. “Puwede kong itali ang aking lanseta sa puluhan ng isang sagwan.”

                Kaya ginawa iyon habang kipkip ang timon at nakatapak sa tela ng layag.

                “Ngayon,” sabi niya. “Isa pa rin akong matanda. Pero meron akong armas.”

                Sariwa ngayon ang simoy at maayos siyang naglayag. Tiningnan niya ang bungad na bahagi ng isda at bumalik nang bahagya ang kaniyang pag-asa.

                Kalokohan ang hindi umasa, sa loob-loob niya. Bukod pa’y naniniwala akong kasalanan ‘yon. Huwag kang mag-isip tungkol sa kasalanan, naisip niya. Marami nang problema ngayon kahit walang kasalanan. T’saka hindi ko ito naiintindihan.

                Hindi ko iyon naiintindihan at hindi ko sigurado kung naniniwala ako roon. Kasalanan sigurong patayin ang isda. Iyon ang palagay ko kahit na ginawa ko iyon para ako mabuhay at mapakain ang maraming tao. Pero lahat naman ay kasalanan. Huwag kang mag-isip tungkol sa kasalanan. Masyado nang huli para diyan at may mga taong binabayaran para gawin iyon. Hayaan mong sila ang mag-isip tungkol doon. Isinilang ka para maging isang mangingisda tulad ng isda na ipinanganak para maging isang isda. Mangingisda si San Pedro at gayundin ang ama ng dakilang
DiMaggio.

                Pero gusto niyang pag-isipan ang lahat ng bagay na kinasasangkutan niya at nang husto at nag-isip siya nang nag-isip tungkol sa kasalanan. Hindi mo pinatay ang isda para lamang mabuhay ka  o para ibenta bilang pagkain, sa loob-loob niya. Pinatay mo siya dahil sa iyong dangal at dahil isa kang mangingisda. Minahal mo siya noong siya’y buhay pa at minahal mo siya pagkatapos. Kung mahal mo siya, hindi kasalanang patayin mo siya. O mas malaking kasalanan ‘yon?

                “Sobra kang mag-isip, tanda,” malakas niyang sabi.

                Pero tuwang-tuwa kang patayin ang dentuso, naisip niya. Nabubuhay siya sa buhay na isda, tulad mo. Hindi siya isang tagahalungkat ng basura o isa lamang gumagalang gutom tulad ng ilang pating. Maganda siya at marangal at walang kinakatakutan.

“Napatay ko siya sa pagtatanggol ko sa sarili,” malakas na sabi ng matanda.

“At pinatay ko siyang mahusay.”

                Bukod pa, naisip niya, pinapatay naman ng lahat ang isa’t isa, kahit paano. Kung paano ako pinapatay ng pangingisda, gayon din niya ako binubuhay. Binubuhay ako ng bata, sa loob-loob niya. Hindi ko dapat masyadong linlangin ang aking sarili.

                Sumandig siya sa gilid at pumilas ng kapirasong karne ng isda sa pinagkagatan ng pating. Nginuya niya ito at napansin niya ang kalidad at sarap ng lasa nito. Matigas ito at makatas, parang karne, pero hindi ito pula. Hindi ito mahilatsa at alam niyang mataas ang magiging presyo nito sa palengke. Pero hindi matatanggal ang amoy nito sa tubig at alam ng matanda na may dumating na malaking kamalasan.Panatag ang simoy. Medyo umatras ito sa may hilagang silangan at alam niya
ang ibig sabihin niyon ay hindi ito huhupa. Tumanaw sa malayo ang matanda pero wala siyang makitang mga layag at wala na rin siyang makitang ni balangkas o usok ng anumang bangka. Ang naroon lamang ay ang isdang-lawin na patalon-talon sa magkabilang gilid ng kaniyang prowa at ang mga dilaw na kumpol ng damong Gulpo.

Ni wala siyang makitang isa mang ibon.Dalawang oras na siyang naglalayag, nagpapahinga sa popa at paminsan-minsa’y ngumunguya ng kapirasong karne ng marlin, nagsisikap na magpahinga at magpalakas, nang makita niya ang una sa dalawang pating.
“Ay,” malakas niyang sabi. Walang salin para sa katagang ito at marahil ay isa lamang itong ingay na magagawa ng gayong tao, hindi sinasadya, na nakararamdam sa pagbutas ng pako sa kaniyang kamay at pagtagos nito sa kahoy.

“Galanos,” malakas niyang sabi. Nakita na niya ngayon ang pag-angat ng pangalawang palikpik sa likuran ng una at natukoy niya na ang mga ito ay pating na hugis-pala ang nguso batay sa kayumanggi, hugis-tatsulok na palikpik at sa pahalihaw na galaw ng buntot. Naamoy nila at tuwang-tuwa sila at sa kagunggongan ng kanilang matinding gutom, naiwawaglit nila at natatagpuan ang amoy sa kanilang katuwaan.

Pero palapit sila nang palapit.Mabilis na iniligpit ng matanda ang tela at isinisiksik ang timon. Pagkaraa’y kinuha niya ang sagwang tinalian niya ng lanseta. Maingat na maingat niyang binuhat ito dahil nagpupuyos sa sakit ang kaniyang mga kamay. Pagkaraa’y ibinukas-sara niya ang mga ito roon upang lumuwag sila. Isinara niya nang mahigpit para matiis ang sakit at huwag mamilipit at pinagmasdan niya ang pagdating ng mga pating.

Nakikita niya ngayon ang kanilang malapad, sapad, hugis-palang mga ulo at ang kanilang malalapad, puti ang dulong palikpik sa dibdib. Sila ay mga kamuhi-muhing pating, masama ang amoy, tagahalukay ng basura at mamamatay, at kapag sila’y gutom, kinakagat nila ang sagwan o katig ng isang bangka. Ang mga pating na ito ang pumuputol sa paa at kampay ng mga pagong kapag nakakatulog sa ibabaw ang mga pagong, at nanagpang sila ng taong nasa tubig, kung sila’y gutom, kahit hindi amoy dugo ng isda o malansan ang tao.

“Ay,” sabi ng matanda. “Galanos. Sige, Galanos.”

Dumating sila. Pero dumating silang di tulad ng Mako. Pumihit ang isa at naglaho sa paningin sa ilalim ng bangka at naramdaman ng matanda na naalog ang bangka habang kumikislot siya at hinihila ang isda. Pinanood ng isa ang matanda, naningkit ang dilaw na mga mata, at sinagpang ng kaniyang panga ang isda sa dakong nakagat na. Kitang-kita ang guhit sa ibabaw ng kaniyang kayumangging ulo at likod na hugpungan ng utak at gulugod at inulos ng matanda ang lanseta sa sagwansa hugpungan, hinugot ito, at muling iniulos sa dilaw, tila sa pusang mata ng pating.

Binitiwan ng pating ang isda at dumausdos, lulon-lulon ang kaniyang nakagat habang
siya’y namamatay.

Gumigiwang pa ang bangka dahil sa pamiminsala sa isda ng isa pang pating at binitiwan ng matanda ang layag para makabaling ang bangka at mapalitaw ang pating mula sa ilalim. Pagkakita niya sa pating, dumukwang siya sa gilid at hinambalos ito. Laman lamang ang tinamaan niya at matigas ang balat at hindi niya halos naibaon ang lanseta. Hindi lamang ang kaniyang mga kamay ang nasaktan sa kaniyang pag-ulos kundi pati ang kaniyang mga balikat. Pero mabilis na pumaimbabaw ang pating, una ang ulo, at tinamaan ito ng matanda sa gitnang-gitna ng  sapad na ulo habang lumilitaw sa tubig ang nguso at inginasab sa isda. Hinugot ng matanda ang talim at muling inulos sa dating lugar ang isda. Nakakapit pa rin siya sa isda, sarado ang panga, at sinaksak ito ng matanda sa kaliwa  nitong mata. Nakapangunyapit pa rin doon ang pating.

“Hindi pa rin?” sabi ng matanda at inulos niya ang patalim sa pagitan ng gulugod at utak. Madali na ngayon ang ulos na iyon at naramdaman niyang napatid ang litid. Binaligtad ng matanda ang sagwan at isiningit ang talim sa panga ng pating para buksan ito. Pinilipit niya ang talim sa panga ng pating para buksan ito. Pinilipit niya ang talim at habang dumadausdos ang pating, sabi niya, “Sige, galanos. Dumausdos ka nang isang milya ang lalim. Sumige ka at katagpuin ang iyong kaibigan, o baka iyon ang iyong ina.”

Pinunasan ng matanda ang talim ng kaniyang lanseta at inilapag ang sagwan. Pagkaraa’y nakita niyang lumulobo ang tela at layag at ibinalik niya ang bangka sa dating paglalayag.

“May sangkapat niya siguro ang natangay nila at ang pinakamahusay na laman,” malakas niyang sabi. “Sana’y panaginip lang ito at hindi ko sana siya nabingwit kailanman. Ikinalulungkot ko, isda. Dahil doo’y mali ang lahat.

Tumigil siya at ayaw na niyang tingnan ang isda ngayon. Said na ang dugo at lulutang-lutang, kakulay siya ng pilak na likod ng salamin at nakikita pa rin ang kaniyang mga paha.

“Hindi ako dapat nagpakalaot-laot, isda” sabi niya. “Hindi para sa iyo o para sa akin. Ikinalulungkot ko, isda.

”Ngayon, sabi niya sa sarili. Tingnan mo ang pagkakatali ng lanseta at tingnan mo kung nalagot. Pagkatapos ay ayusin mo ang iyong kamay dahil marami pang darating.

“Nakapagdala sana ako ng bato para sa lanseta,” sabi ng matanda matapos tingnan ang tali sa puluhan ng sagwan. “Dapat akong nagdala ng bato.” Marami kang dapat dinala, sa loob-loob niya. Pero hindi mo dinala, tanda. Hindi ngayon ang oras para isipin kung ano ang wala ka. Isipin mo kung ano ang magagawa sa kung ano ang naririyan.

“Sobra kang magpayo ng mabuti,” sabi niyang malakas. “Sawa na ko r’on.”

Kinipit niya ang timon at ibinabad ang dalawang kamay sa tubig habang umuusad ang bangka.

“Alam ng Diyos kung gaano ang nakuha ng huling iyon,” sabi niya. “Pero hamak na mas magaan siya ngayon.” Ayaw niyang isipin ang nagkagutay-gutay na tiyan ng isda. Alam niyang sa bawat pakislot na bunggo ng pating ay napipilas angkarne at ngayo’y sinlapad ng haywey sa dagat ang nalilikhang bakas ng isda na pagsusumundan ng lahat ng pating.

Mairaraos ng isang tao ang buong taglamig sa isdang iyon, sa loob-loob niya. Huwag mong isipin iyan. Magpahinga ka lang at ihanda ang mga kamay mo para sa ipagtanggol ang nalalabi sa kaniya. Balewala na ang amoy ng dugo sa mga kamay ko ngayong nangangamoy ang buong dagat. Bukod pa’y hindi na sila gaanong nagdurugo. Walang anumang sugat na dapat ikabahala. Baka makatulong pa ang pagdurugo para huwag pulikatin ang kaliwa.


Ano pa ba ang puwede kong isipin ngayon? Naisip niya. Wala. Wala akong dapat isipin at hintayin ang mga susunod pa. Sana nga’y panaginip lang iyon, sa loob-loob niya. Pero sino ang makapagsasabi? Baka naman mapaigi pa ‘yon.

Post a Comment

0 Comments