TULA | TUNAY NA PAG-IBIG

TUNAY NA PAG-IBIG


Tunay pala ang tagpo sa mga pelikula

Humihinto ang mundo at ikaw lang ang nakikita

Dahan-dahang kumikilos, maging pilantik ng mga mata

Sa mapang-akit na labi, bumubusal ang pagsinta.


Tunay pala ang kuwento sa mga libro

Ikaw ang aking prinsesa, ang prinsipe mo'y ako

Hawak ko ang kamay mo habang tayo'y tumatakbo

Patungo sa ligayang dulot ng pag-ibig mo.


Tunay pala ang persona sa isinulat kong tula

Ang laman ng aking puso ay laman din ng tugma

Sa simula ng pagsulat at lapat ng bawat salita

Ang puso ko'y humihiyaw, labis ang tuwa.


Tunay rin pala himig sa isang kanta

Wala ka nang magagawa kapag puso ang puminta

Sa bawat liriko yaring pag-ibig ko sinta

Sa'yo namang pagtono may dulot na harmonya


Tunay na ang pangarap sa panaginip ko

Magkasama sa habang-buhay ikaw lamang at ako

Walang sasayanging oras o maging minuto

Ibubuhos sa'yo lahat ang buong pag-ibig ko.


Mar Z. Holanda

Setyembre 14, 2023

Tula para kay Aira Jane Gloria