ORYENTASYON SA LITERATURANG PANDAIGDIG
MGA LAYUNIN
- Maipakilala ang Asignaturang Filipino at mga saklaw nito.
- Mabigyang-halaga ang pag-aaral ng Asignaturang Filipino bilang disiplina.
- Makasulat ng sariling repleksiyon ng pagkilala at pagpapahalaga sa asignaturang Filipino.
Pagpapakilala sa Asignaturang Filipino
Maligayang Pagkatuto mga mag-aaral sa ikasampung baitang! Ako ito si Ginoong Holanda, ang magsisilbi ninyo guro sa pag-aaral ng wikang Filipino at panitikan mula sa iba't ibang panig ng mundo.
Bago natin aralin ang wikang Filipino at tuntunin ang mga panitikan sa iba't ibang panig ng daigdig, marapat na malaman muna ninyo kung bakit ba mahalagang matutuhan natin ang panitikan at wika, gayon din bakit mahalaga ang asignaturang Filipino.
Handa ka na ba? Mahusay! Nananabik na rin akong makasama kang maglakbay at matuto.
Ano ba ang inaasahan sa inyo pagkatapos ninyong aralin ang asignaturang Filipino sa Dyonyor Hayskul?
Sa ilalim ng K-12 Kurikulum ang mga mag-aaral na tulad mo ay inaasahan ng pamahalaan na maging mag-aaral na may kasanayang pangglobal. Ibig sabihin nito, ang iyong kasanayan ay hindi lamang kayang makipagsabayan sa kapwa mo mag-aaral sa bansa maging sa mga mag-aaral ng buong mundo.
Sa asignaturang Filipino ang pangkalahatang layunin ng Kagawaran ng Edukasyon ay makalinang ng isang buo at ganap na Pilipinong may kapaki-pakinabang na literasi. Partikular ng (1) kakayahan komunikatibo, o husay mo sa pakikipagtalastasan, (2) replektibo at mapanuring pag-iisip kung saan nag-iisip tayo hanggang sa labas ng kahon ng ating kaalaman, (3) pagpapahalagang pampanitikan sapamamagitan ng mga babasahin at teknolohiya tungo sa pambansang pagkakakilanlan, kultural na literasi at patuloy na pagkatuto upang makaagapay sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa daigdig.
Ano ba ang saklaw ng pag-aaral sa asignaturang Filipino sa Dyonyor Hayskul?
Kung matatandaan mo noong nasa ikapitong baitang ka pa lamang ay mayroon ka nang sabyek na Filipino. Sa baitang na ito itinuro na sa iyo ang pangunahing kaalaman sa wikang Filipino gaya sa gramatika at retorika. Sa panitikan naman inisa-isa na rin ninyo ang mga Panitikang Pambansa kung saan saklaw at binalikan ninyo ang mga akdang pampanitikan mula sa sinaunang panahon, panahon ng pananakop at sa kasalukuyang panahon.
Noong ikaw ay nasa ikawalong baitang naman, lumipad kayo at pinag-aralan ang mga akda ng Panitikang Rehiyunal kung saan naglakbay kayo sa tatlong malalaking pulo ng Pilipinas - ang Luzon, Visayas at Mindanao. Kasama na rin ang pagpapatuloy ng pag-aaral ninyo sa wika at gramatika.
Ang saya 'di ba? Dahil napakarami mo nang nakuha at nalaman mula sa bansa natin.
Ito ang mas masaya! Noong nasa ikasiyam na baitang ka mula Pilipinas, dinala ka ng iyong guro sa mga bansa sa Asya upang ipakilala sa iyo ang Panitikang Asyano alam ko inisa-isa ninyo roon ang mga akda mula sa Tsina, Japan, Korea, Thailand, Vietnam at iba pang bansang Asyano. Pati na ang pagpapatuloy ng pag-aaral ninyo ng gramatika at retorikang Filipino sa mas mataas na antas.
Ngayong ikaw ay nasa baitang sampu na, ang pag-aaral ng panitikan at wika ay nasa huling antas na rin. Ang saklaw ng pag-aaral mo sa baitang sampu ay Panitikang Pandaigdig, kung saan iisa-isahin natin, aalamin ang kultura at lalakbayin ang mga bansa sa iba't ibang panig ng mundo hindi sakay ng barko o eroplano kundi sakay ng libro.
Umaasa akong makiki-ride ka sa amin upang palawakin ang iyong kaalaman sa kultura ng mga bansa sa pamamagitan ng pag-aaral ng Filipino.
Bakit ba mahalagang pag-aralan ang Wika at Panitikan?
Nakalulungkot mang isipin, kaunti lamang ang may peyborit sa sabyek na ito. Iba-iba ang dahilan. "Ang hirap pong unawain ng malalalim na salita". May nagsasabi namang "Madali lang 'yan dahil sariling wika naman". Ngunit ang tunay namang dahilan ayaw mong kumilala at magmahal sa sarili mong wika.
Sabi nga ng marami kapag nakikilala mo na raw ang isang tao o bagay, sa puntong iyon doon mo siya o ito sinisimulang mahalin at pahalagahan. Kaya hayaan ninyo akong ipakilala sa inyo ang asignaturang ito.
Sa pag-aaral nito, paiikutin lang natin sa dalawang pangunahing paksa ang ating asignatura - ang Wika at Panitikan.
Bakit Panitikan?
Ang panitikan ay bunga ng isip at puso ng may-akda. Kapag may karanasan ang isang tao o may maisip siyang nais niyang ipahayag sa pamamagitan ng pagsulat, ito ay panitikan. Kung ang damdamin naman ay nagbulalas tulad ng galit, pagmamahal, pangangamba, takot at ibaa pa, maaari itong isulat, ito ay panitikan.
Sa pag-aaral mo ng panitikan sa dyonyor hayskul ang panitikan ay tutukuyin mo sa dalawang anyo. Ito ang tuluyan o prosa, at ang pangalawa ay panulaan.
Ang tuluyang anyo ng panitikan ay maluwang na pagsasama-sama ng mga salita sa loob ng pangungusap. Ito ay nasusulat sa karaniwang takbo ng pangungusap o pagpapahayag. Gumagamit ito ng talata at pangungusap sa pagsusulat gaya ng pagkasulat ng Alamat, Maikling Kuwento, Nobela, Pabula, Parabula, Komedya at marami pang uri ng panitikan.
Samantala, ang panulaang anyo naman ng panitikan ay hindi ganito nasusulat. Gumagamit ito ng saknong at isang masining na anyo ng panitikan na naglalayong maipahayag ang damdamin ng makata o manunulat tulad ng sa tula, awit, epiko, oda, dalit, soneto at iba pa.
Bukod sa mga uri nito at hatid na kultura, ang Panitikan ay naghahatid sa atin mahahalagang aral na magagamit natin sa pagpapatuloy natin sa buhay. May isang mag-aaral na nagsabi sa akin,
"Sir, hindi ko naman po magagamit ang mga panitikang iyan kapag magtatrabaho ako."
"Ano ba ang pangarap mong trabaho?" tanong ko.
"Doktor po" pagyayabang ng bata.
Kung nanamnamin natin ang mahahalagang aral ng panitikan, hindi ba't matututunan mo rito ang malasakit, pagmamahal, pag-aalaga at pagpapahalaga sa pamilya at maging mabuting tao. Hindi ba't kung ikaw ay doktor na, hindi mo ba kailangang maging mabuting tao? Magkaroon ng malasakit at pagmamahal? Kailangan mo. Kahit ano pa ang nais ninyong propesyon kakailanganin ninyong maging mabuting tao. At ito ang hatid ng panitikan sa atin. Hindi lamang kaalaman pati na malasakit na bubuo naman sa ating upang maging ganap na tao sa hinaharap.
Bakit naman Wika?
Ang wika ay bahagi na ng ating buhay. Kung walang wika, walang komunikasyon, walang ugnayan. Kahit sa pagbili mo ng kendi sa tindahan kailangan mo ang wika. Filipino ang ating pambansang wika dito sa Pilipinas. Kaya marapat na mas mahusay ka rito. Upang makamit mo ang epektibong pakikipagkomunikasyon dapat marunong kang gumamit ng wika nang tama. Dahil kung hindi mo ito magagawa hindi mo epektibong maipadadala ang mensahe sa tagapakinig bilang isang tagapagsalita at kung mangyari ito magdudulot ito ng sigalot sa pagitan mo at ng iyong kausap. Kung paanong mahusay ka pumuna ng maling gramatika sa ibang wika gaya sa ingles marapat na mas mahusay ka sa sarili natin wika - partikular sa gramatika at retorika.
Para sa karagdagan paliwanag, pumunta dito:
1. Bakit Mahalaga ang Panitikan?
2. Saan at Paano Nagmula ang Wikang Filipino?
1. Bakit Mahalaga ang Panitikan?
2. Saan at Paano Nagmula ang Wikang Filipino?
Binabati kita! Sapagkat alam kong bago tayo mag-aral ng Filipino sa baitang sampu, mas kilala mo na ang sabyek na ito at maisasama mo na sa listahan ng iyong peyborit sabyek.
Upang malaman ko kung gaano ang pagkakakilala mo sa asignaturang ito, ikaw ay susulat ng isang repleksiyon ng natutuhan. Panoorin mo ang gabay sa pagsulat ng repleksiyon sa link na nasa ibaba at gamitin ang suhesyong pormat sa bidyu. Ipatsek mo ito sa akin ha?
0 Comments