PINILING POOK NI SAN PABLO: Ang Kasaysayan ng Pitogo

  

  

PINILING POOK NI SAN PABLO: Ang Kasaysayan ng Pitogo
(Para sa madulang sabayang Pagbigkas)
tula ni Ginoong Mar Z. Holanda (Enero 25, 2023)
halaw sa Ang Kasaysayan ng Pitogo sa Patnubay ni San Pablo ni G. Arnaldo G. Ingente (2012)

I
(Namamangka sa ilog habang palinga-linga na tila may hinahanap)
Bathalang nasa langit kami’y Iyong gabayan
Makatagpo sana kami ng paraisong tahanan
Magbigay ng tanda, kami sana’y pagbigyan
Kahit mumunti man lang na palatandaan.


II
(Dahan-dahang bababa ng bangka na tila’y namamangha, aamoy-amoy, lilinga-linga)
Ano itong abot-mata? Bulaklak na kay ganda
Ang halimuyak ay kakaiba, sa baybaying-ilog ay nagsipagbunga.

III
May tahanan na tayo!
May tahanan na tayo!
Tugon ni Bathala’y bulaklak ng Mayo
Ito ay tandang nais Niyang dumito na tayo!
MAYOBOC ang itatawag, mula sa araw na ito.


IV
Mula noo’y isinilang ang payak na pamayanan
Kung saan pagsasaka ang kabuhayang pinagkukunan
Lalo pang pinag-adya pook na alay ni Bathala
Nang ang imahen ni San Pablo ay makarating sa kanilang lupa.


V
Sinimulang bungkalin ang mga kabukiran
Iba’t ibang hayop ang kanilang inalagaan
Nakapagtayo na rin ng batong simbahan
gayon din ng libingan at isang kastilyong tanggulan.


VI
Ang pamayanan ay tuluyang umunlad; tumatag
dahil sa biyaya ng Diyos at tulong ng Apostol na tanyag
Kapyestahan ay nagsimula, napupuno mga hapag
Dinarayo ng mga karatig baryo ang Mayoboc naging tanyag.


VII
Ngunit ang pag-unlad ay naging mitsa ng kapahamakan
Mga mandarambong na pirata, sila’y natagpuan
Sa unang pagkakatao’y sinalakay ang pamayanan
Ng mga Morong walang puso’t di kaisa ng pinaniniwalaan.


VIII
Sa tapang at talino ng pinunong si Juan Mauricio
Mga kalaba’y nagapi, napatay niya ang pinunong Moro
Nakaligtas ang mamamayan mula sa pagkatalo
Dahil sa kahusayan ng pinunong Manyago.


IX
Sa ikalawang pagkakataon sinalakay muli ang munting bayan
Sa takot ng mga tao’y nagmadali silang lumisan
Sa pagbaybay nila sa ilog habang tumatakas sa kalaban
Nahulog ang kampanang sa bangka’y nakalulan.


X
Mga pirata ay hindi muling nagtagumpay
Ngunit wala sa lipi nila ang humumpay
Sa pangatlong pagkakataon nang sila ay sumalakay
Winasak ang bayan marami ang pinatay


XI
Sa tindi ng takot at dulot sa mga tao
Tuluyan nang nilisan ang bayang binuo
Dala ang imahen ni Apostol San Pablo
Sa kagubata’t kabundukan sila’y nagtungo.


XII
Kanilang natunton pook na maraming kawayan
Doo’y pansamantala nagtayo ng pamayanan
Kanilang sinimulan ang isang kastilyong tanggulan
laban sa pananalakay ng mga Morong pumapaslang


XIII
Muli silang natunton ng mga pirata
Ang patapos na sanang kastilyo ay winasak nila
Nilisan ang lugar at napunta sila sa Adia
sa akalang doo’y ligtas na sila


XIV
Hindi rin nagtagal muli silang natagpuan
Kagaya ng dati’y giniba ang pamayanan
Hanggang dalhin sila sa mumunting kabundukan
Lugar kung saan ang dagat ay nakakaaliw pagmasdan


XV
Isang Kuta ang itinayo sa tuktok ng burol
Tanaw ang karagatan at paparating na mga mandarambong
Dito naganap ang madugong pagtatanggol
Sa pagitan ng Moro at tagasunod ni San Pablo Apostol


XVI
Sa tabi ng Moog nakatayo rin ang kapilya
Kung saan nakalagak ang imahen ni San Pablong kaaba-aba
Madalas doon ay nawawala siya
animo’y hindi gusto ng patron sa lagay niya.


XVII
Sa isang malaking puno ng halamang PITOGO
doo’y madalas matagpuan ang imahen ni SAN PABLO
ipinagpalagay ng mga tao doo’y gusto manahan ng Santo
Kaya sa lugar na iyon itinayo ang Simbahang-bato.


XVIII
Mula sa halamang mahimalang pinagtagpuan
Ng Santong pumili ng kaniyang tahanan
Hinalaw mula rito ang pangalan ng bayan
Bayan ng PITOGO kay San Pablo kabilang.


XIX
Malaki man ang sakripisyo ng liping nauna
Marami mang nangabulid bago magkahimala
Anumang pagsubok ang dumating; maging sakuna
Kay San Pablo Apostol, ang Pitogo’y ipag-aadya!
SAN PABLO APOSTOL, IPANALANGIN MO KAMI!


Mar Z. Holanda
25 Enero 2023




Post a Comment

0 Comments