I
PAGITAN, Milya-milyang napakalayo na dati’y tangi lamang na
kalaban
dito sa ibayong dagat, mararamdama’y pangamba, pag-aalala, kalungkutan,
Laging tanong sa sarili, Kumusta na kaya sila? ang aking mga anak? Aking asawa?
Ang aking pamilya?
Na parating sa loob ko’y gusto pauwi, sila’y mahagkan, o kahit na saglit lang
na mayakap.
Ngunit paano? Paano na lalo ngayong may pandemya pang nakabanta sa akin ay
lalong PUMAGITAN sa malayong distansya ko sa kanila at maaaring sa amin pa’y
lalong magpahamak. (Hinaing ng isang OFW)
II
PAGBAGSAK, Mga pawis at dugo na inilaan sa negosyong ngayon
ay walang kasiguruhan
kung maiiahon pa mula sa epekto ng krisis na dala ng hindi matanawang kalaban…
Kalabang hindi gatilyo o espada ang dala
kundi armas na hindi kayang gapiin o pabagsakin
ng basta sipag at pagsisikap ng katulad ko na magpapatigil sa aking kabuhayang
pinaghirapan….
Ngunit higit dito’y may mas NAKAPANGANGAMBA,
nakapangangamba ang mga taong sana’y matutulungan ng negosyo kong ngayo’y
hudyat na yata ng pagkawala,
Paano na?... Tanong na alam ang sagot ngunit mahirap matanggap dahil hindi
lamang ako,
ang tulad kong may-ari ang apektado kundi sila,
silang umaasa sa kompanya na ngayo’y magsasara
at wari’y di tiyak na baka tuluyang bumagsak, dumaplak at ituloy nalang sa
pag-iyak…
ewan ba… (Hinaing ng isang Negosyante)
III
NAWAWALAN NG PAG-ASA, kung bakit parang napakapait ng mundo
sa tulad ko
na kahit maghapong magbungkal ng lupa at baybayin ng karagatan ay parati na
lang dehado?
Ngayon pa! ngayon pang may banta ng Virus na lalong nagpahirap sa tulad kong
isang kahig isang tuka’t
halhal-kabayong maghanapbuhay ay wala pa ring napapala.
Dumagdag pa, dumagdag pa ang CORONA na parang nagpabigat lalo sa mundong
araw-araw binabalikat ng tulad kong manggagawa
at umagaw sa tabak, lambat, na ginagamit para mairaos… makapagparaos sa
pamilyang laging kumakalam ang sikmura Ngayon pa! Ngayon pang may pandemya!
Pandemyang nagdadala sa akin lalo sa kawalan ng pag-asa… (Hinaing ng Manggagawa o Ordinaryong Tao)
IV
PANGARAP, pilit na makikibaka sa pangarap na binuo
na kahit na hinarangan ng pandemya ng mga pader ay pilit na aabutin.
Mahirap! Mahirap umunawa sa mga papel na hindi naman talaga nagtuturo
kundi gumugulo sa unawa kong gulpi na sa araling hindi naman maintindihan,
at lalong nagpapabobo sa akin kahit hindi naunawaan ang leksyon ay nakatanggap
ng katibayan,
katibayang walang kasiguraduhan kung pasaporte sa pangarap kong pangarap o
magpapahamak sa akin habang tumataas.
Iba pala talaga kapag may gagabay,
gagabay na tulad ng mga gurong anumang oras may magtatama, magwawasto,
na sa mga aralin, magpapaunawa, at magtuturo
kung paanong lampasan ang pinagdaraanang pilit nakikibaka araw-araw
dala ng pagkakulong sa apat na sulok ng silid dahil sa pandemyang hindi ko alam
kung may kagamutan….
(Hinaing ng isang mag-aaral)
V
MASAKIT PAKINGGAN! masakit sapagkat ilan lamang iyan sa mga monologong
karaniwang dumaraing,
Dumaraing sa sariling mga tahanan at tila bilanggo ng mga sariling takot at
pangamba
Dalawa, dalawang taon halos umiikot ang mundo sa apat na sulok ng mga tahanan
Hindi takot sa otoridad na baka hulihin,
kundi sa kalabang hindi nakikita ng mata na maaaring magpahamak sa akin, sa ‘yo,
sa iba
at ang masakit pa’y baka sa isang kapamilya.
Maraming nagbuwis, dahil sa kalabang hindi abot ng mga mata,
maraming nawalan, nawalan ng mga kabuhayan at ng mahal sa buhay,
Ilang mga daing na walang halinghing ng panaghoy
ngunit sa loob ay unti-unting nagtatanong kung paano sosolusyunan
ang suliraning na sa bawat araw na lumilipas na ay may tanong,
paano makakaraos ang pamilya?
VI.
Ako.. ANG AKING KARANASAN Karanasan na bago sa ganitong kwento…
Bago sa pandemyang napakalaking ng ikinapagbago.
Ikinapagbago sa paligid na mula sa KALAYAAN ay tila ibong pinutulan ng pakpak
at hindi na makalipad.
Mga halakhak na dati’y kung saan-saan naririnig ngayo’y napalitan ng lungkot at
katahimikan.
CORONA na kahit hindi nauunawaan kung ano ay nagdudulot ng takot kahit kanino
mula sa mga balitang tila sinbilis ng hangin na dumarating at dumadampi sa akin
na dahilan ng pagtaas ng aking balahibo sa braso at buong katawan.
Ako… at ANG AKING PAG-AARAL ay maging naapektuhan at animoy aklat na sinilban
at pagkaraan ay magiging abo at wala ng aasahan.
Nakatulala, nakatutula lamang sa silid at iniisip kung may maganda pa bang
kinabukasan na naghihitay
matapos ang pandemyang ito na umararo sa mundo at tila bumunot ng ugat ng
pag-asa at aking pangarap.
May liwanang pa bang sisikat sa mahabang gabing itong ating nararanasan?
VII.
Pero teka! Tama, lipas na… tapos na ang dalawang taon…
PATATLONG TAON NA, patatlong taon na mula nang akala ko’y wala ng solusyon
at katugunan sa mga nauna kong kuwento sa tulang ito
na nagbalik pa sa mga pakiramdam ng bawat taong iba’t iba ang karanasan. Mali
pala!
Katuwang ang sarili na piliting makibaka at magpatuloy sa paglaban
na tulad ng ulan ng pagluha at pighati’y may balangaw na naghihintay sa dulo
at araw na magbibigay ng liwanag mula sa pait ng dilim na pabaon ng pandemya.
Magtatatlong taon na, ngayo’y parang naririnig ko na muli ang mga halakhak na
matagal nahinto
dahil sa matagal na pagtatago sa mga tahanan at puno ng takot lamang ang
nararamdaman.
Tila mga ibong muling nakawala sa hawla ng pagkabilanggo dahil sa pangamba
na baka mapabilang sa bilang na nakatala sa kahon ng talaan ng may CORONA
na kabalintunaan ng koronang nakaputong pagkatapos ng pagkapanalo o tagumpay.
VIII.
SALAMAT, Salamat sa mga POLISIYANG naging pintuan ng
pagtakas
sa pait ng karanasan sa pandemyang umukit ng malalim sa puso at isip ng mga
iniwan ng nasawing mga pamilya.
Mga DESISYONG nakabatay sa datos na kailangang tugunan ng bawat isang nais na
tumulong
at humango sa pagkalukmok dala ng suliraning hindi mo alam na baka bitbit at
nananalaytay na pala sa ugat ng iyong katawan.
SALAMAT, Salamat sa PROGRAMANG tulungan
at muling nagkahagkan ang pamilyang mula sa malayong milya pa nagmula
na dati’y takot na takot at nangangamba sa pamilyang napakalayo ng PAGITAN.
Salamat, dahil muling nakaahon mula sa PAGBAGSAK
ang negosyong bumubuhay sa mga manggagawa’t inaasahan ng mga pamilya
para may pantapal sa mga sikmurang tila asong tumatahol kapag nakararamdam ng
pagkalam at pagkagutom. Salamat, dahil sa mga mangagawang hindi pinabayaan at
sinuportahan
habang nakatiwangwang ang lahat sa tahanan at tanging abot, bigay lamang ang
inaasahan.
Sa pinagbatayan ng programang kabuhayan para sa kanila na nakatulong habang
nakikipagbuno sa Virus na halos dalawang taong nagpahinto, nagpaguho at
nagpasuko sa bawat taong NAWALAN NG PAG-ASA.
Salamat, dahil sa mga bilang na pinagbatayan para mapanumbalik ang pag-aaral na
harapan
at muling matuto nang may gumagabay, nagtuturo at siguradong makakuha ng
katibayang kayang ipagmalaki
dahil sigurado na, siguradong maaabot na ang PANGARAP.
IX.
Pinahina man tayo ng ating mga HINAING sa krisis ng pandemya,
hinaing na nagturo rin ng karanasang hindi natin kailanman malilimutan,
mga aral na mababaon natin habang patuloy tayong nakikipagsapalaran sa ating buhay,
Tayo ay makakaahon, makakaBANGON,
makakabangon na tuluyang magpapalakas sa atin na lampasan ang mga pagsubok, problema at maging pandemya,
ito ay sa pamamagitan ng mga DESISYONG may pinagbatayan, Programa’t polisiyang pinag-isipan at higit sa lahat pagkakaisa na ipinakita ng iba’t ibang sektor para iangat hindi lamang sila kundi tayong lahat laban sa PANDEMYA. Kaya tara, pagbigkisin natin ang ating mga bisig at sama-sama tayong BABANGON sa HINAING sa PANDEMYA.
0 Comments