TALAMBUHAY NI PAULINO SAMARITA SAYAT: ISANG PAGLALAKBAY
(Entri ng Pitogo Community High School sa TALUMPATIAN 2019)
Itinalumpati ni: Reuben Alex Desamero
Muling isinulat ni: Mar Z. Holanda
Sa ating kapita-pitagan, minamahal na ama ng bayan ng Pitogo at pinag-aalayan ng talumpating ito, kagalang-galang Paulino S. Sayat, sa ating kataas-taasang mga panauhin, sa ating kalugod-lugod na inampalan, sa aking mga kaibigan, kababayan at sa tanang naririto. Marubdob na pagbati ng isang mapagpalayang araw sa ating lahat.
Ang mabigyan ng pagkakataon na tumayo sa harap ninyo ngayong umaga/hapon at magsalaysay sa inyo ng buhay ng isang tao, na naging matatag, masikap at tunay na imahen ng tagumpay ay isang napakalaking karangalan sa akin, sa kabila nito’y mayroon din naman akong pangamba. Aking inaalala at gumugulo sa aking malikot na isipan “Paano ko susulsihin ang bawat yugto ng buhay ng isang napakahalagang tao rito sa ating bayan at kung paano ko ito mabibigyan ng dignidad nang makapag-iiwan ako ng inspirasyon sa inyo sa pamamagitan ng buhay niya?” Kaya naman, ngayon pa lamang lubos ang aking pasasalamat sa bumuo at nag-organisa ng paligsahang ito at paumanhin sa aking kapangahasan at mga pagkukulang.
Kahirapan! Madalas marami sa atin ang nakararanas ng bagay na ito. Mayroon mga nakatatawid at nalalampasan ang pagsubokngunit mas marami ang nadarapa at umaayaw sa gitna ng pakikipaglaban. Kaya sa huli, sumusuko at binibitbit na lang ang mga sapin pabalik sa pinanggalingan.
Tagumpay! Tagumpay naman ang resulta kung sakaling makatawid ka sa mga hamong ibinabato sa ating buhay. Kung sa marami madalas ay kabiguan ang nagiging resulta, sa isang tao na nais kong ipagmalaki sa inyo, ang kahirapang ang ginamit niyang kalasag at inspirasyon upang lumaban at umangat sa dating putik na kaniyang pinagkasasadlakan at abutin ang kaniyang minimithing tagumpay.
Noong ika-29 ng Abril, 1946 sa bayan ng Candelaria, Quezon mayroong mag-asawang Gabino Sayat at Apolonia Samarita. Ipinanganak nila si Paulino na mas kilala sa tawag na “Ka-Ino”, isang batang masipag at determinado sa buhay. Bata pa lamang siya’y mulat na siya sa realidad ng buhay. Sa edad na 7 taon banat na ang kaniyang mga butá½¹ at marami-rami na rin siyang lupang nabungkal. Mas pinili na lamang niya ang magtrabaho kaysa magtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan. Saksi ang alagang niyang kalabaw at ang tuyong lupa sa kaniyang mga sakripisyo.
Noong siya ay 14 na taong gulang kung saan-saan siya dinala ng kaniyang kapalaran. Naging katiwala siya ng mag-asawang Jose at Hipolita Reyes na mga taga Candelaria, Quezon sa bayan ng Pitogo, naging magtutubo siya sa Pampanga at naging tagalinis sa isang ospital sa Candelaria. Hindi alintana ang hirap, init, pagod at gutom. Ang mga karanasang iyon ang naghulma sa kaniyang puso, isipan at abilidad upang lumaban sa mga pagsubok sa buhay.
Noong siya’y mapadpad sa Mindoro dulot ng kaniyang paglalayas dahil sa paghihigpit ng kaniyang ama, dahil wala kahit isang sentimo sa kaniyang bulsa, nilakad niya ang halos 189 na kilometro. Sa lugar na iyon, isang taon niyang ipinagpatuloy ang kaniyang buhay nang mag-isa. Siya ay nagpapaupa upang sa ganoon ay matugunan niya ang pagkalam ng kaniyang sikmura at pang-araw-araw na gastusin.
Lingid sa kaalaman ng kaniyang mga magulang, bumalik siya sa Quezon sa Brgy. Marao bayan ng Padre Burgos. Doon Natutuhan niya ang magpahila ng pusit. Sa kaniyang pagbabalik napukaw ang kaniyang puso ng isang binibining gumising sa kaniyang natutulog na damdamin, si Mercedes Lorica. Ikinasal sila noong ika-19 ng Abril, 1969 at biniyayaan sila ng 4 na anak. Sina Danny, isa na ngayong matagumpay na accountant,si Analiza na kumukuha rin ng kursong accountancy, si Dexter na pangalawang punong-bayan sa bayan ng Pitogo, at si Dennis na isang tanyag na designer.
Pagkalipas ng pulot gata, ang mag-asawa ay napadpad sa Pula, Oriental Mindoro subalit bumalik din sila sa Quezon pagkatapos ng batas militar. Siya ay 3 taon naging construction workersa Kampo Aguinaldo kasama ang isang inhenyero na si Engr.Cantara ng Macalelon.
Nang siya ay makaipon ng kaunting pera nakapagsimula siya ng isang maliit na negosyo – Ang pagtitinda ng Lambanog, ngunit ‘di kalaunan ay hindi rin ito nagtagal. Kaya mula sa pagbebenta ng alak, siya ay nangolekta ngkaning-baboy o sagmaw, namili ng baboyupang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Naging tauhan din siya ni Ginoong Jose Tan at kumita ng isang libo at limandaang piso. Naging mangangawit ng puno ng niyog pandagdag kita.
Noong 1985 napasama siya sa pakikipagpalitan (pagbabarter) ng isda sa Romblon na tinaguriang Princess of the Orient, kay Ginoong Celso Amon. Makalipas ang 2 taon, ika-11 ng Setyembre, naipundar niya ang isang buli-buli o bangkang pangisda na nakaabot sa Pangasinan. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Sa hindi inaasahang pangyayari, sinira ng bagyo ang nasimulang negosyong pandagat na kaniyang naipundar.
Hindi siya nagpatinag at sumuko, muli siyang bumangon at muling sumubok na makipagsapalaran. Isinanla niya ang kaniyang naipatayong bahay at naipundar na lupa upang magamit sa kaniyang negosyo. Tila hinahamak siya ng kapalaran nang biglang nasunog ang bahay na kaniyang inaasahan at walang kahit ano ang natira. Halos dapang-dapa siya at wala nang pag-asa.
Dahil sa kaniyang taglay na determinasyon, sa isa pang pagkakataon bumukas sa kaniya ang pinto ng magandang kapalaran. Sa pamamagitan ni Ginoong Antigo Escosia na kaniyang nakasosyo sa bagong negosyo muli siyang nakabangon at napalago ang kaniyang kabuhayan. Naitayo niya ang DADDS Fishing Corporation na nakilala bilang isang korporasyon noong taong 1992.
Noong 1995 tinahak naman niya ang mundo ng politika. Nakipagtunggali siya bilang kagawad ng bayan at ‘di siya binigo ngating mga kababayan. Subalit sa likod ng kaniyang tagumpay muli siyang hinamon ng kapalaran. Namatay ang kaniyang kabiyak at ilaw ng tahanan – ang kaniyang asawa. Dahil doon siya ay pinaghinaan ng loob at nawalan ng pokus. Tumamlay ang pagiging idolohiya at pananaw sa buhay. Kaya naman, kinailangan niyang ipasa ang kaniyang panunungkulan bilang kosehal ng bayan sa kaniyang anak na si Dennis.
Ginugol niya ang kaniyang pagdadalamhati sa lunsod ng Lucena na naging takbuhan niya, lugar kung saan nagmuni-muni at pinaghugutan niya ng lakas ng loob at piniling manahimik pansamantala. Naisip din niyang magpatayo ng tahanan sa sa lupang tinubuan ang bayan ng Candelaria upang lalong maibsan at mapayapa ang kaniyang isipan.
Noong taon ng milenyo (2000) sinubok muli siya ng iba’t ibang maseselang operasyon Subalit lahat ng ito ay kaniyang nalampasan.
Taong 2004, animoy agimat ang mundo ng politika, itinadhana na muli siyang sumabak sa politika sa kaniyang bayang tinubuan. Dahil sa taglay na karisma, siya’y hinirang bilang pangatlong miyembro ng sangguniang bayan ng Candelaria. Dahil sa kaniyang husay sa panunungkulan siya’y hinimok ng publiko na tumakbo bilang alkade ng bayan ngunit tinanggihan niya ito at nagpaubaya sa kaniyang katunggali at itinuon na lamang ang kaniyang atensyon sa negosyo.
Nagniningning na parang kristal sa karagatan ang buhay politika at tagumpay niya ngunit tila naroon pa rin ang kalungkutan at hikbi sa kaniyang nananaghoy na puso.
Muling tumibok ang natutulog niyang puso nang makatagpo siya ng panibagong inspirasyon. Nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng tatlong anak. Sina Pauline Sayn, isang Electrical Engineer, si Pamela, isang mag-aaral sa lungsod ng Lucena at si Paul Jake ang pinakabunso.
Dahil sa inspirasyon at determinasyon upang suportahan ang anak sa kaniyang kandidatura. Noong 2013 nahalal siya bilang Mayor sa bayan ng Pitogo. Hanggang sa kasalukuyan siya ay nag-iisang mayor na halos lahat ng proyekto ng bayan ay sa bulsa niya ang tagpuan. Sariling bulsa ang isinaalang-alang bilang tanda ng katapatan at makabuluhang liberato. Isang ama ng bayan na may inisyatibo at may pagmamahal sa kaniyang mga kababayan, may paninindigan, maprinsipyo at buo ang loob na pinanday ng panahon ngunit nanatiling mababa ang loob. Bilang Mayor ng nasabing henerasyon, baon-baon niya ang tiwala sa sarili na determinasyon ang naging puhunan.
Kabilang sa kaniyang mga naitaguyod ang bigas na ipinamahagi sa bayan ng Pitogo, nagpatayo ng kooperatiba na sa sariling bulsa ang nakaprenda na lingid sa kaalaman ng iba na ito ay pawang abono at inisyatibo niya upang ang serbisyo ay maabot sa dako pa roon, makarating at makamtan sa apat na sulok ng bayan ng Pitogo.
Kaya naman, bilang inspirasyon sa ating buhay ang napakinggan. Maging daan sana ito upang tumiim sa ating mga isipan na hindi pa huli ang lahat. Ang Pag-asa ay laging nandiyan. Huwag natin kalilimutan na palaging mayroong bahaghari pagkatapos ng ulan. Ang kahirapan ay hindi hadlang upang abutin ang mga pangarap at magtagumpay sa buhay bagkus gawin natin itong kalasag upang maging determinado, matapang at matatag katulad ng ating mahal na Punong Bayan Paulino Samarita Sayat. Wika nga niya, “Ang aking paninindigan sa larangan ng negosyo, ang pagiging matatag at may tiwala sa sarili ay mabisang sangkap upang maabot ang lipad na pangarap” bilin din niya lalo’t higit sa mga kabataan, “Lagi rin tandaan ang pangaral ng magulang ay h‘wag isantabi dahil ito’y magsisilbing gabay at aral sa atin.”
Muli isang mapayapang araw sa ating lahat.
Maraming Salamat po!
Inilimbag noong 28 Hunyo 2020
Ni Mar Z. Holanda
0 Comments