ESTRELLA: Ang Star ng Buhay Ko



ESTRELLA: Ang Star ng Buhay Ko
ni Mar Z. Holanda

Karaniwan ang tao kung humihiling para sa kaniyang pangarap, tumitingala sa langit at nagbubulalas sa mga bituin. Sa ganang akin, hindi ko na kailangan tumingin sa langit sapagkat ang bituing gabay ko sa aking pangarap ay nasa katauhan ng aking ina. Ang STAR ng aking buhay.

Ang nanay ko ay STAR ng aking buhay hindi dahil Estrella ang pangalan niya. Katulad ng paniniwala at inspirasyon ng isang tao sa kahilingan sa bituin sa langit para matupad ang kaniyang pangarap. Tila naging inspirasyon ko rin ang aking nanay para matupad ang aking mga pangarap.

Likas na mabait, masipag, mapagpakumbaba at mapagmahal sa pamilya ang aking nanay. Bata pa lamang siya mas pinili niyang isantabi ang kaniyang sariling kapakanan para makatulong sa magulang at may maipakain sa mga mas musmos niyang mga kapatid. Ang kaniyang mga magulang noon ay tanging pagpapanday lamang ang ikinabubuhay at kung minsang wala ay pangangaingin ang pinagkukunan ng makakain. Pangalawa siya sa limang magkakapatid. Hindi siya nakatapos ng pag-aaral ni wala sa kanilang magkakapatid dulot ng kahirapan na nagbunsod na sa kaniya upang maagang maghanapbuhay. Sa murang edad namasukan siya bilang kasamahin sa bahay at nagpapaupa sa mga may kaya upang may maiuwing pagkain sa mga malilit pang kapatid.

Edad labing-anim nakikilala niya at napangasawa ang aking tatay. Nabiyayaan sila ng siyam na anak, at ako ang pangwalo. Naging payak naman ang kanilang pamumuhay at magkatuwang na tinataguyod ang aming pamilya. Hanggang sa bago ipanganak ang aking bunsong kapatid ang aking ama ay biglang pumanaw. Sa pangyayaring ito hindi naging madali sa aking nanay. Lalo pa’t ilang araw nang mamatay ang aking ama – Oktubre 29, 1999 ay ipinanganak naman ang aking bunsong kapatid – Nobyembre 4, 1999. Tatlong taong gulang ako noon.

Sa edad na 36 mag-isang itinaguyod ng aking nanay ang maliliit na siyam na anak na iniwan ng aking ama. Iba’t ibang trabaho ang kaniyang ipinambuhay sa amin kahit na mga trabahong panlalaki. Nagpapaupa sa paglilinis ng bahay, namamalagwit o nagpapasan ng balde ng tubig at inirarasyon sa mga tahanan, tumatanggap ng mga labada, pangunguha ng mga lamang-dagat gaya ng sisi, tapalang, bagumon para may maipang-ulam at maibenta para pambili ng bigas. Lahat ng ito, lahat ng sakripisyo ng aking nanay ay aking nasaksihan sa aking paglaki.

Dahil dito, sa bawat kusot ni nanay ng damit sa mga tanggap na labada, bawat tapalang na nasisimot sa tabing dagat, bawat tapon ng tubig sa baldeng kaniyang pinapasan at mga alikabok na kaniyang nililinis ay nagsilbi kong inspirasyon upang balang araw ay maging agila akong lilipad sa langit at kasama ko siyang dadagitin mula sa pagkalugmok namin sa kahirapan.

Sa kasalukuyan ang pangarap na aking binuo mula sa sinag ng STAR ko sa buhay ay unti-unti ko nang natutupad. Ako ngayon ay isa nang guro sa pampublikong paaralan at unti-unti’y bumabawi sa aking nanay at sisikapin kong mapawi ang lahat ng kaniyang sakripisyo sa aming siyam na magkakapatid.

Kaya ngayon, kung may gusto man akong hilingin sa buhay, hindi ko na kailangan tumingin pa sa langit para sa aking pangarap dahil ang tunay na bituin ng aking buhay ay nasa katauhan ng aking nanay – Si Estrella, Ang Star ng Buhay Ko. 


BASAHIN DIN: Ang Talambuhay ni Estrella Z. Holanda
           PANOORIN: Ang Natatanging Nanay




Post a Comment

0 Comments